by Radji Rashed Castillo Abonado
Taong dalawang libo’t dalawampu
Araw ng Martes, ika-tatlo ng Marso
‘di ko nabatid huling araw na ‘yon
Huling pagsulyap ko na pala sa’yo
Malinaw pa sa kaisipan ko
Ikaw ay hinanap sa libo libong kanto
Sa mga gusaling matatayog
Mag ala-sais na, ilang minuto nalang
Taon dalawang libo’t labing-anim
una kitang nasulyapan
sa maligalig na lansangan
at sa mga nag sisiksikang kabahayan
Mula ng ikaw nasilayan, ikaw ay tinuring Santo
Nag darasal ako sayo palagi, alam mo
Sa mga mapangahas na engkwentro
Ikaw ang tinatawag, isalba mo ako, Oh Santo
Higit tatlong taon ang pinagsamahan
Oh, Santo ikaw ay dalisay
Sinalba mo akong tunay
Kaya taun-taon, sa’yo ay nag bibigay pugay
Ngunit sa di inaakala
Dumating ang pandaigdigang salot
Walang bahid sa iyong mukha, di ko namalayan
Huling araw na iyon, ‘di na pala kita makikita
‘Di ako naka pag paalam, patawad
Mabilis na sandali, parang ninakaw
Mula ng sinulat ang tulang ito
Higit apat na daang araw na ang lumipas
Ngunit Santo, may kapatid ka pala sa Baguio
Kinamusta ko s’ya at nag pakuha ng litrato
Kahit papaano’y nag hingi ako ng tawad sayo
Dahil ‘di kita nasabihang aalis na ako
Nananabik ako sayo, konting araw na lamang
Ako ay tuluyan nang lilisan
Nais na kita makita, kahit panandalian
Ang iyong tindig, malakas at ‘di papaawat
Sa darating na pag tatapos ng pag hihigpit
Sa huling pag kakataon at sa panibagong pagsulong
Sa tulang ito, nais ko mag pasalamat sayo
Sana ay mag kita tayo muli, Santo Oble.