Para kay R

Tikom ang mga pinto ng aklatan

ngayong pandemya.

Walang yabag ng mga paa.

Walang maya’t mayang bungisngis ng silya.

 

Naalala kong ganito tayo nagsimula.

Sa katahimikan. Tanging mga mata

ang nag-uusap sa pagitan ng mesa

palitan ng ngiti’t sulyap sa bawat umaga.

 

Ang tinginan ay naging patagong asaran

tungkol sa paulit-ulit na puyatan

mga pagsusulit na magdadaan

dusa’t komedya ng silid-aralan.

 

Sa aklatan nabuo mga simpleng ligaya:

kunwariang pagbabasa

sa hindi umuusad na pahina

nauuwi sa mga pabulong na tawa.

 

Sayang, pinid ang aklatan sa Malcolm ngayon.

Sa pagdidistansiya umiikot ang taon:

kisame’t dingding ng bahay ang araw-araw kaharap

almusal hanggang hapunan, laptop ang kausap.

 

‘Di bale, huwag nang mag-alala.

Matutuldukan din ang kuwarentena.

Muli tayong magbabalik sa eskuwela

upang aralin ang presensiya ng isa’t isa.

 

Babalikan natin ang simula

ng mga lihim na saya.