by John Ray Allen Castillon Bisarra
Nanaginip ako
ng sanlibong matatabang linta
na sumisipsip
ng lumbay
ng pag-iisa
ng pangungulila
Dumilat ako
at nakita
na sanlibong nanghihinang linta
ang nagkalat sa sahig
ang nakasawsaw sa lapot
ng luha
ng panaghoy
ng pakikiusap
Nasupil ako
ng biglaang ragasa ng sanlibong awa.
Kasunod ay daluyong
ng panandaliang gaan ng kalooban
na tinapos ng buntong-hiningang
marahan
mabigat
makatuwiran
Tumayo ako
at tinatakan
ang ikasanlibong araw ng pagkakakulong
marahil ng ikasandaan o ikasampu.
Walang salâ subalit pinagkaitan
ng kalayaan
ng lunggati
ng imik
Sumilip ako
sa haraya ng kinabukasan
at nakita ang aking katawang
pinamumutiktikan ng sanlibong linta
na imbis na sumisipsip ay dumudura
ng galak
ng kapanatagan
ng hinahon
Nilukob ako
ng sanlibong linta
At sa pagsuko ko natiyak
na wala akong ibang ninanais
maliban sa patuloy na
pakikiramay
pakikisama
at pakikibaka.