by Tubal Tuod
Kahapon.
Isang hinga, isang gapang
Isang kisapmata
Malapit na, malapit na!
Daluyong ng pag-asa
Init ng katiwasayan
Tila yakap na ang kinabukasang
Puno ng kalahatan.
At walang hanggang posibilidad.
Maaliwalas.
Malapit na, malapit na.
Diplomang inaasam.
Matibay na kakapitan!
Kasiyahan. Kagalakan.
Katiyakan.
Katiyakan.
Kahapon.
Ngayon.
Sa bintana, sa bintana
Nakatanaw.
Nababatid ang kalungkutan
Ng bawat hakbang, bawat galaw
Ng mga nilalang, sa bintana.
At sa pagtingala
Nakikita at nadarama.
Ang unti unting
Pagtakas ng kulay.
Una, ang luntian ng dahon.
Sumunod ang bughaw ng kalangitan.
Panghuli ang araw na ginintuan.
Umuulan.
Patak. Patak. Patak.
Kadiliman.
Nawalan ng tao sa lansangan
Nasaan? Nasaan?
Ang galak? Ang saya kanina?
Ng kahapon?
Patak. Patak. Patak.
Umuulan. Kadiliman.
…
Pagbabago?
Pagbabago.
Pagbabago?!
…
…
Patak. Patak. Patak.
Pagbabago.
…
…
Kalungkutan.
…
Kamatayan.
…
Kawalan
Bumabalot sa buong kapaligiran.
Patak. Patak. Patak.
Isang kisapmata.
Malapit na?
Hindi, malayo pa.
Para sa kanila.
Nagbago. Nagbago!
Ngunit ang dala ay pagkatalo.
Isang hinga?
Oo, para sa mga naghihingalo
Bumabaka, kumakapit
Habang tangan alaalang marikit
Ng pamilya, ng buhay
Na pinagtagpi tagpi at pinagdikit dikit
Na kahulugan ng pagiging tao
Umiiyak. Napapagod. Lumalaban.
Isang hinga pa!
Sa pagamutang siya ang bayani
Habang ang mga kawal
Mga estrangherong nakaputi
Na tahimik na nililimi
Kung malalagpasan niya ba ang gabi
Isang hinga pa!
Hindi gugustuhin
Ngunit minsan, nagiging sawi
Bibitiw kahit ayaw.
Umiiyak nang walang makakarinig
Hinagpis na walang kaparis.
Mag-isa. Sila.
Pinabayaan. Kinalimutan. Tinalikuran.
Sa ngalan ng huwad na pagkakaibigan
At pangakong tutulungan
Ngunit sa huli, nabitin sa kawalan.
Pagbabago?
Oo, pagbabago.
Pagbabagong patungong impyerno.
Isang gapang?
Hindi, para sa kanila
Isang libo’t isang dipa
Malayong lakarin ang kailangang abutin
Kundi ay gugutumin.
Manggagawang nakatanikala
Sa panginoong hubad
Iniwan ang pagkatao
Para sa kaning isusubo pamaya
At kapirasong karneng isasabay dito.
Nauna nang nilunok
Ang takot at tamang pagpapasiya
Habang daan sa pagpasok.
Kailangang kumayod, kailangang kumita.
Pareho lang naman
Ng kahapon ang ngayon
Walang magbabago, walang maiiba.
Oo, sa iyo, isa na lang.
Ayan na. Ayan na!
Diplomang pinagpuyatan
Pinagpaguran.
Iniyakan, inupuan
Tinangkang talikuran ngunit ipinaglaban.
Bukas ay makinang, puno ng kagandahan.
Sa iyo, ano nga lang ba ang lockdown
Kundi pansamantalang abala.
Isang kisapmata?
Oo, isa lang, at magpapatuloy
Ang iyong buhay na balot
Ng kulay rosas ng pribilehiyong
Nakamit nang walang pinagpaguran.
Mapalad, mapalad.
Isang kisapmata
Isa na lang sa iyo, kaibigan.
Bintanang dating nakapinid
Nabuksan. Natatanaw, nakikita, nababatid
Ang katotohanan.
Sa bintana.
Ang mga taong iniwan
Kinalimutan. Pinabayaan. Tinalikuran.
Ano ang lockdown sa kanila?
Mahabang gabi, habang hinahapo
Ang anak na hindi madala sa pagamutan
Isa, dalawang subo
Ng kaning lamig mula pa kahapon
Dahil wala nang maigatang para sa hapunan ngayon.
Facemask. Face shield.
Quarantine pass. Barrier.
Lito sa gulo at parang tsubibong
Paikot ikot at paulit ulit
Bawal dito, bawal doon.
Isang taon nang nasikil
Ngunit mga ‘pasaway’ pa rin kung ituring.
Ngayon, ang iyong katanungan
Anong kahulugan
Ng iyong kalahatan, kagalakan, kasiyahan
Kung kawalang pag-asa
Para sa lipunan
Ang iyong mararamdaman?
Hindi. Hindi.
Hindi maaaring ganito lamang.
Hindi ito ang landas, hindi ito ang ‘pagkatapos’.
Paglaban ay kinakailangan.
Pagtingala, pagtayo, pagtindig.
Hindi maaaring hanggang dito lamang
Ang diploma mong marikit
Na sa dingding lamang isasabit.
May saysay ang bawat batas
Na pinagtyagaang ipasok
Sa kamalayan
Sa isandaang libo’t isang kasong
Inaral at pinaglamayan
Inukit sa ulirat ang aral ng pagkapantay-pantay
At ang lahat ng pangunahing karapatang
Dapat alagaan.
Utang mo sa bayan, utang mo sa mamamayan
Ang iyong maliwanag na kinabukasan.
Pagkatapos ng lockdown?
Mag-uumpisa
Sa pagbangon, sa pag-usad, sa paggampan.
Gamitin mo ang kakayahan
Ang natanggap na kalinangan
Upang hagipin ang mga naiiwan,
Tanangin ang mga nakakalimutan,
Isulong ang mga tinalikuran.
At ang sarili ay hamigin
Sa landas na sakaling pipiliin
At iyong yayakapin
Ay hindi magiging madali
Pagod, pagkadismaya, pagdududa.
Minsan, mawawalan ng pag-asa
Bumalik ka
Sa buod ng kung ano ang mahalaga:
Pagkakapantay-pantay.
Ang batas. Para sa lahat.
Hindi para sa mga mayroon, hindi para sa iilan.
Nakatanaw, naka-abang.
Malapit na.
Tinatawag ng malapit na kinabukasan.
Diploma ay magiging sandata
Isang hinga, isang gapang
Isang kisapmata.
Matatapos na ang ulan.
Nakatanaw, naka-abang.
Sa bintana, sa bintana.