by Gerald John Cabanilla Guillermo
alam mo may pangarap ako,
pangarap kong magkaroon ng mundong walang abogado,
sabihin mang baliw ako o tila ba’y sinto-sinto,
ngunit ito ang totoo; teka ipaliliwanag ko.
bakit nga ba pinapangarap ko ang mundong walang abogado?
eh sila nga itong tumutulong, nagpapaunawa
para hindi ka oo lang nang oo,
tango nang tango, ikukulong ka na, ika’y tumakbo!
kung ganoon pala ang kaso, bakit pinapangarap ko ang kahibangang ito?
di mo ba naririnig at nakikita sa radyo, sa tv, pati sa social media,
mga tao sa gobyerno, karamihan diyan abogado,
sa mga tore ng makati at bgc, tiyak kaliwa’t kanan diyan abogado
sila’y tingnan mo, kay lalakí ng tiyan at ulo,
nakaplaster sa noo, “attorney ang itawag mo, kundi isa kang gago”
teka nga, teka nga, bakit nga ba pinapangarap kong
maging isang abogago – este isang abogado,
kung sa kabilang banda nama’y kabaliktaran ang nais ko?
pasubali sa mga kapwa ko nag-aaral maging abogado,
nawa’y dumating ang panahon, batas nati’y
naiintindihan mo, pati na ng ibang tao,
tungo sa pagsasagawa’t pagsasapuso
kayang ipagtanggol ang karapatan,
kahit walang abogado gaya ko
ito ang dalangin ko,
mawalan man ng trabaho,
natupad naman ang pangarap ko,
na sana rin ay pangarap mo,
ang mundong walang abogado.