by Charlemagne Revollido Dumaya
Muntik na ‘kong matapunan ng mainit na kape. Sa sobrang antok, sinubukan kong uminom nang may nakaharang na piraso ng plastik sa mukha ko. Napalingon ako sa paligid habang nagpupunas ng face shield. Sana walang nakakita.
Parang ordinaryong gabi lang sa paligid. Sa ilalim ng matalim na kahel na ilaw ng mga poste, nakaipon ang mga katulad kong nagpapalipas ng oras sa kalsada, parang mga gamu-gamong naaakit sa lampara. Sa una, layu-layo — pero papalapit nang papalapit, sa saliw ng mga halakhak at mga kwentong pabulong. Maya-maya, nagtutulakan, naghahampasan, nag-a-apir.
Pero alam mong may kakaiba pa rin dahil sa maya’t mayang paglabas ng ng guwardya, dala-dala ang mga baston nilang pambugaw. Maglalayu-layo ulit ang lahat, hanggang sa ‘di na naman makatiis.
“Break mo na?” Tutuloy na sana ako sa paglakad nang biglang may tumawag sa likod ko. Alas-singko na ba? Kamuntik na naman tumapon ang kape nang sumilip ako sa relo.
“Uy, aga mo ah!”, sabi ko paglingon. Sa likod ko ay isang babaeng hanggang balikat ko ang tangkad, naka-purong itim na damit, naka-face mask na dilaw, at may tangan na pulang bag. Tinaas ko ang baso ng kape bilang sagot sa tanong nya.
“Aww, sa’kin? Thanks!” Hindi na’ko nakapalag nang kinuha nya ang baso. Nakita ko ang mga mata nyang tumatawa sa likod ng mga naglalarong tuldok ng liwanag. Itinaas nya ang face shield nya, at ibinaba ang face mask. Sabay lagok ng kape.
“Dahil bawal mo pa ‘ko i-kiss…” tukso nya habang ibinabalik sa’kin ang baso. May matingkad na mantsa ng morado sa labi nito, galing sa mapang-akit nyang ngisi.
Napatawa nalang ako. Ang sarap sa pakiramdam. Tumawid ang paningin ko mula sa ngiti nya, papunta sa mapupungay nyang mga mata, na ang tagal kong hindi nakita nang malapitan. Mga matang sa isang iglap ay pumukaw ng napakaraming ala-ala, na isang taon ko ring pinipilit isalba sa pagkakabaon.
Hindi ko namalayang umangat ang kamay ko, at dumapo nang marahan sa pisngi nya.
“Tagal na rin ah,” halos pabulong kong sinabi, matapos ang isang malalim na hitit ng maalinsangang hangin.
Sa halip na sumagot ay dumukdok sya sa kamay ko. Nabuhayan ako sa kiliti ng buhok nya sa pulsuhan ko, at sa mainit na tibok ng pisngi nyang patuloy na itinutulak ng ngiti. Napatitig ako sa mga mata nyang katulad ko’y nagtatanong kung totoo bang narito kami sa harap ng isa’t-isa… o kung ang tagpong ito ay produkto lang ng pinaghalong dilim at pinarupok na katinuan.
“Alam mo bang pwede pa rin tayong makulong sa ganito?!”
Napalingon ulit ako sa paligid. Parang ordinaryong gabi lang, naro’n pa rin ang mga gamu-gamong naglilisawan. Wala pa ang mga guwardya at ang mga pambugaw nilang baston.
“Ano ngayon?”, sagot kong naghahamon. “Papahuli ba tayo sa kanila?” Sa wakas ay nahawa rin ako ng ngiti.
Hawak-kamay kaming naglakad pabalik sa opisina. Sa abot-tanaw ay mababanaag ang malamlam na pagbati ng paparating na bukang-liwayway. Marahan lang ang lakad namin — walang dahilan para magmadali. Kusang darating ang umaga.
Pero naramdaman ko ang unti-unting paghigpit ng hawak nya sa kamay ko. Dumarating ang umaga, pero hanggang wala pang liwanag, hindi kami bibitaw.