by Juancho Mozo Agoncillo
Mistulang kahapon lamang nang magbago ang lahat; nagsara ang mga opisina, naubos ang mga sasakyan sa lansangan, nawala ang mga tao’t tila napalayo ang mga miyembro ng pamilya sa isa’t isa. Nagbago ang daloy ng buhay; bumagal para sa karamihan, nawalan ng direksyon, at kulang na lang ay tumigil nang tuluyan ang sa iba. Nagsimula ang isang pagbabago na siyang mararamdaman ng buong mundo. “Bakit nangyayari ito?”, “Paano na ang pag-aaral ng mga anak natin?” “May katapusan ba ito?”. Kaliwa’t kanan na sigaw at hinaing ng sambayanang Pilipino: “Paano na tayo?”
Kaagad na sinubukang kumilos ng mundo sapagkat nagkaroon ng malubhang pangangailangan para sa mabilis at maayos na reaksyon laban sa isang napakalakas na kalaban. Kanya-kanyang pagsubok ang hinarap ng lahat ng naapektuhan nitong sakit na tila walang katapusan. Marami ang nawalan ng hanapbuhay, makakain, at paraan upang makauwi sa kani-kanilang tahanan. Hirap, gutom, pagod; wala pa ‘yan kung sa totohanan lamang sapagkat napakarami sa atin ang nawalan ng mga mahal sa buhay. Isang kalabang hindi nakikita ang tuloy-tuloy sa pagkitil ng napakarami saating mga kababayan. Tila isang giyera na hinding-hindi talaga, kahit na anong sakripisyo, paghihirap, o tiyaga sa pakikipaglaban, kayang mapanalunan. Isang kalabang biglaang mararamdaman mo nalang, at siyang malubhang nakamamatay. Ito ang pasangkrus natin ngayon at, kung walang magbabago, maaaring dala natin ito hanggang sa kinabukasang tila di na madadatnan.
Sa harap ng matinding pagsubok, kinakailangang bumangon ang diwa at pagkakaisa ng isang bayan upang manumbalik ang kahit katiting na pag-asa para sa kinabukasan na pilit binubura. Kailangan mag alab ang mga puso, mag-init ang mga dugo, at gumising ang mga mata ng mga taong may kakayahang magsimula o di kaya’y makiisa sa pagsusulong ng pagbabagong hinihintay ng binugbog na taumbayan. Nangyari ito sa samu’t saring mga paraan. Nagsimulang tumapang ng mga katawan na noo’y hindi makakilos dala ng matinding takot matamaan. Unti-unting nagbalik-loob sa pagsisikap upang makapagdala ng mas mainam at kumportable na buhay para sa kani-kanilang mga pamilya. Hindi nagtagal ang pagkakatinag ng puso ng sambayanan sa kabila ng malalang pagkukulang ng mga tao at ahensya na itinalagang mga karapatdapat na mangunguna sa ganitong klase ng sakuna. Bumangon ang diwa sa harap ng paghihirap at trahedya. Mabagal, unti-unti, pero mapa-niguradong nagbabalik at muling nagpakita ang pag-asang pinilit at pinipilit pa ring ikubra.
Makalipas ang mahigit isang taon ng pakikipagsapalaran sa isang hindi kanais-nais na sitwasyon, sa ilalim ng, sa mata ng marami’y, mahina at mistulang mapanlinlang na pamumuno, at dala na rin ng matinding pangangailangan, namuhay at naisabuhay ang isang katangiang mula pa sa mga panahong tayo ay nag-aaral sa elementarya ay paulit-ulit na pinapasaulo sa atin ng ating mga guro: ang kabayanihan ng Pilipino. Ito ang natatanging nagdala at sumiklab sa isang panibagong pananaw at, sa wakas, isang pangako ng makabuluhang bukas para sa bayan. Ang pagmamalasakit ng bawat isa sa kaniyang kapwa, ang pagtutulungan, ang bigayan, ang pagpupunan sa panga-ngailangan ng isa’t isa, nabigyan ng halaga at pag-asa ang mga tahanan at pamilyang naiwang makipagsapalaran sa hirap, gutom, at kamatayan. Akalain mo yun? Sa huli’y, di pa rin pala nawawala; ang bayanihan ang naging tugon sa ‘di mapag-kakailang kakulangan ng mga taong namamahala.
Ako man ay isa sa mga napagpalang hindi dumaan sa matinding paghihirap dala ng pandemyang patuloy na sumasalanta. Nawalan lamang ng hanapbuhay subalit ano ba naman yun sa lagay kung ikukumpara sa mga nawalan ng makakain, ng tahanan, o mga kaibigan at mga mahal sa buhay? Liban sa minsanang pagtatala sa aking social media ng aking pagkadismaya sa kawalan ng direksyon o plano ng pagresolba nitong pandaigdigang sakuna, “ano ba ang naiaambag mo?” wika nga ng iba. Ngayo’y ako, at nawa’y marami rin sa inyong mga nakababasa nito, ang nabuhayan ng loob at nasiklaban
ng diwa na tumayo at kumilos at tumulong sa kahit anong munting kakayahan, kahit sa ano lamang ang abot ng ating makakaya. Mayroon pang pag-asa, sa kabila ng paghihirap, sakripisyo, at kawalang bisaan ng mga tao na nasa puwesto, sa kahit maliit na maitutulong mo, niyo, at nating lahat, may paroroonan ang ating bayan.
Tapang, pagtutulungan, at pagkakaisa. Oo, ang diwa ng Pilipino ay buhay na buhay pa.