by Joanne Rose Sace Lim
Patong-patong na mga libro
Pinagkainang mga plato
Ang aking mga katabi sa magdamag
Tila hinatulan ng parusa
Nang nahiwalay sa pamilya
Nasa iisang bahay ngunit mag-isa
Paghayag ng pag-aaruga
Sa pagbibigay ng distansya
Gagawin upang di na ako mahawa
Dati-rati ay nagsilbi na
Himlayan para sa mag-ina
Makatakas lang sa mundong walang-tuos
Ngayo’y pinutol at hinasa
Isang kalahati sa sala
Kalahati sa kwartong saan nagsama
Hindi mapigilan ang luha
Na tumulo sa mga mata
Nang marinig humagulgol ang aking ina
Nais ko mang mapatahan siya
Tapatan ang pag-aalaga
Na binigay niya nang walang pagdadamot
Mga salita lang ang aking nabigay
Pasan man ang takot sa hinaharap
Ang tanging hiling ko ay muling
Mapag-isa ang kama
Nang mayakap muli ang aking ina