Kababayan

by Paolo Miguel Ceralde Arquero

Ramdam ang lamig ng sahig

Ng likod kong hubad

“Bakit ako?”

ang pagsamo ko sa sinuman

Habang ang luha’y patuloy ang

Pagpatak 

      Patak 

            Patak 

Mga kautusa’y walang nilabag,

Bawat patnubay ay dinunog,

Ngunit sa huli’y

sa hukay pa rin nga ba talaga

ang hulog?

Dimawari ang maramdaman—

Ang dating mahalimuyak na hangin

ay tila wala nang

dulot na saya sa akin.

Ang dating mga pinagsasaluhan

na kay sarap

ay wala nang dalang tamis

asim

o alat.

Paalam na nga ba talaga

sa mundong walang awa?

“Bakit ako?” pa rin ang sigaw 

Sino nga ba ang may sala

Sila ba o ako?

Sila ba na naatasang magdesisyon kung

pano ko haharapin ang mga suliraning ito?

O ako bang nabansagang wala nang ginawa

kung hindi

“ngumawa”

at

“magreklamo”?

Walang awang tadhana

Anumang pilit magpumiglas sa rehas 

na patuloy ang paghigpit

Ay lalo pang lumalakas ang kanilang

panghahagupit

Pikit

Mulat

Pikit

Mulat

Isa, dalawa, ilang taon ba ang lilipas?

Kailan kaya matatapos ang sumpang

dati’y ang dulot ay kanilang pagkaripas?

Siguro nga’y mahirap ang lumaban

ngunit mas mahirap ang maging mahirap,

walang saplot,

magisa,

at isang alipin

sa sariling bayan

Kaya’t bukas ay babangon

hindi para sa sariling kapakanan

at patuloy na mag-aaral

dahil ‘di lamang ang buhay ko ang aking

pasan kundi

pati ng

aking

mga

kababayan.