by Paolo Miguel Ceralde Arquero
“Iiwanan na kita.”
Iyan ang kanyang huling mga salita bago gumuho ang aking mundo. Biglaan ang lahat. Ang sigaw ko, “Akala ko habang-buhay mo akong mamahalin? Bakit parang bigla ka atang bumitaw?” Walang pagpapaliwanag—walang ni-ho, ni-ha. Lumakad siya palayo nang parang wala lang ang walong taon naming pinagsamahan.
Ano pa nga ba ang magiging reaksyon ko? Nagalit ako—sa kanya, sa mundo, pati na rin sa mga taong lumalapit lamang sakin para kumustahin ako. Noo’y akala ko’y nawala na ang dating masiyahin na ako at siya ang sinisi ko—siya ang dahilan kung bakit ang dating asul na kalangitan ay nagmistulang balot na ng madidilim na ulap; siya ang dahilan kung bakit akala ko’y namatay na ang dating Marla.
Sino nga naman ba ako para pilitin siyang manatili sa tabi ko? Alam kong hindi ako naging madali pakisamahan. Mula nung matanggap ako bilang mangangaral ng batas ay inaamin kong nawalan ako ng panahon para sa kanya. Pero para kanino ba itong ginagawa ko—hindi ba para sa aming dalawa? Hindi ba para sa pamilyang pinangako nya’y bubuuin namin nang magkasama? Akala ko nauunawaan niya ang sitwasyon ko, hindi pala.
Hindi rin naman siya naging madaling pakisamahan. Hindi niya ako maramayan sa tuwing nagku-kuwento ako ng mga nangyari sa araw ko sa Malcolm Hall. Hindi niya rin naiintindihan na minsan ay kailangan ko lang naman ng panahon mag-isa upang huminga—lalo na’t pag buong araw akong ginisa ng aking mga guro kahit magdamag ko namang pinaghandaan ang klase nila. Minsan nga’y sumosobra na rin siya sa kanyang panunumbat ng kaniyang mga ginagawa para sa’kin; tila para bang nagbibilangan kami ng aming mga sakripisyo sa relasyong unti-unting nabibitak.
Pero ika nga nila, lahat ng sugat ay gumagaling sa paglipas ng panahon.
Isa’t kalahating taon na ang nakalilipas at masasabi kong ngayo’y mas mabuti na ang aking kalagayan. Nakikita ko na ang liwanag sa dulo ng lagusan—malapit ko nang mabayaran ang magulang ko sa mga sakripisyo nila sa pagpapaaral sakin ng ilang taon. Galit man ako sa kanya noon ay hindi ko maipagkakailang naging malaking parte siya ng pagtahak ko ng landas papunta sa pagiging abogado.
Kaya’t nagmula na ulit akong magsulat ng aking mga pasasalamat sa maliit na kuwaderno naming dalawa na huli kong nasilayan nung kami pa’y magkasama. Dito kami noon nagsusulat ng mga hinaing at pangarap namin para sa aming sarili at para sa isa’t isa.
Habang inaayos ang aking gamit upang umuwi’y may nalaglag na papel—tila sinadyang ipitin sa pagitan ng mga pahina ng pula naming kuwaderno. Isang liham mula kay Derrio na mukhang luma na’t napaglipasan na ng panahon.
“Mahal kong Marla,
Kumusta ka na? Malamang ay isa ka nang magaling na abogada. Kailanman ay ‘di ako nagdudang malalagpasan mo ang pagiging isang Iska. Sa pagitan pa lang nga nating dalawa, ikaw na ang laging tama, ‘di ba? Hahaha. Biro lang.
Marahil ay nagtataka ka kung bakit ako umalis. Sa isip mo siguro’y biglaan na lamang ang lahat. Pero ngayon ako’y aamin na sa’yo, matagal ko nang napagtatanto ang hayaan kang maglayag magisa.
Nakita kong hinahatak lamang kita pababa, Marla. Nakikita ko ang pagsusunog mo ng kilay umaga’t gabi; nasilayan ko ang pagsakripisyo mo ng pagkain at pagtulog para lamang maging isang mabuting magaaral; nakita ko ang mga luhang inilalabas mo ng palihim dahil pagod na pagod ka na.
Isang araw ay napatingin ako sa salamin, “Ako nga ba ang nararapat para sa kanya? Isa lamang akong hamak na mananaka muli sa maliit na baryo sa probinsya. ‘Di hamak na mas malayo ang mararating ni Marla kaysa sa akin.” At mula nung araw na iyon ay napansin ko na kung gaano kalaking pabigat ako sa iyong paglalakbay.
Sa halip na matulog ka’y minsan nakikinig ka pa sa mga pagsamo ko tungkol sa aking araw. Sa tuwing ako’y may problema o papeles na kailangan ko asikasuhin sa Maynila ay nagkukusa kang gawin na lamang ito para sa’kin, lalo na nung dumami ang kaso ng Covid d’yan. Nakita ko kung paano mo ako minahal, minsan higit pa sa iyong sarili. At sobrang nasaktan ako, Marla. Ang sakit makita na hindi mo minamahal ang sarili mo gaya nang pagmamahal mo sa akin.
Sa laki ng pusong mayroon ka, alam kong hindi mo makikinig kapag sinabi kong mahalin mo ang iyong sarili at wag na akong alalahanin. Dahil ganung klaseng tao ka, Marla, at iyon ang minahal ko sa iyo.
Ngunit siguro ang pinakarason kung bakit ako umalis ay dahil ayaw kong ipasan sa iyo ang nararamdaman ko. Nagkasakit ako, Marla. Sabi ng doktor ay Stage IV Kidney Cancer daw. Alam mo namang nagmula lang ako sa hamak na pamilya ‘di ba? Hindi naman namin kakayanin ang gastusin ng pagpapagamot kaya’t nagdesisyon akong hahayaan ko na lamang na kunin ako ng panahon.
Kaya’t salamat, Marla. Para sayo’y walong taon lamang tayo nagsama pero para sakin ay hindi ka nawala sa aking puso’t isipan. Ang pangako ko sayo noon ay habang-buhay ‘di ba? Kahit mawala man ako sa mundong ito’y ‘wag mo kakalimutan kung anong klaseng tao ka. Kung ano mang klaseng abogada ang piliin mong maging, huwag mong hahayaang baguhin ka nila ha?
Mahal na mahal kita, habang-buhay.
Derrio”
Kumaripas ako nang takbo palabas ng aming silid at habang tumutulo ang luha’y tinawagan ang bahay nila Derrio—wala nang pakundangan kung magkano man ang singilin sa pagtawag sa malayo.
Isa.
Dalawa.
Tatlo.
Apat.
Lima.
At biglang may sumagot.
“Hello, sino po ito?”
Namumukhaan ko ang boses na ito—dahil ito ang boses ng mahal ko.