by Mark Joseph Zomel Arisgado
Pinagbubuhol tayo ng ating mga hikab.
Kung gabi’y mapanghamon at nais mong maglaho,
Kumapit ka sa bigkis, sabay tayong lilipad.
Ilang semestre tayong sumasabak sa dahas.
Sa kalsada’t sa klase, ang takot ay ‘tinago.
Pinagbubuhol tayo ng ating mga hikab.
Nang dumating ang Marso, di tayo pinalabas;
Sa ating mga bahay, lahat tayo’y napako.
Kumapit ka sa bigkis, sabay tayong lilipad.
Sa birtwal na tagpuan, kapwa tayo naghangad,
Nag-aral at natuto nang may isang pangako.
Pinagbubuhol tayo ng ating mga hikab.
Ngunit hindi madali at madalas, masaklap
Ang kinahihinatnan ng gawaing inako.
Kumapit ka sa bigkis, sabay tayong lilipad.
Pagsapit nang ika-s’yam, ang kape’y tumatalab.
Sa magdamag ay mulat, nagapi ang pagsuko.
Pinagbubuhol tayo ng ating mga hikab.
Kumapit ka sa bigkis, sabay tayong lilipad.