Dapithapon

by Mark Joseph Zomel Arisgado

Ilang araw na bang di tayo nagkita
sa ating tagpua’t humimpil, gumala,

habang minamalas ang pamamaalam,
pagpapalit-kulay sa hapon ng araw?

May dahon pa kaya ang punong mayabong?
O nalagas na ba’t nagtampong malaon?

Ngayon, tumatakas muli ang liwanag
at nananatili tayong mga bitag

ng ating pangambang higit sa kulubot
nating mga balat, ay alikabok

na tayong daratnan sa muling pagdalaw,
laman ng sisidlang palamuti lamang –

walang alinsangang yayapos sa kinis
o mahuhumaling na hamog sa hugis.

Tumakas na tayong tulad ng liwanag
na nagsasayawan sa likod ng ulap!

Kung sa dapithapon ay may binibilang,
ito’y ang pag-asa ng muling pagsilang.