by John Ray Allen Castillon Bisarra
Pebrero.
Iniiwasan ko ng tingin ang mga barahang kanina pa binabalasa ng propesor. Isang pangalan lang naman ang hindi dapat makuha— ang akin. Nanindak ang titig niya mula kanan tungong kaliwa. Ngumisi at saka pumuslit ng isa. Nanliit ang kanyang mga mata sa sukat ng mga titik. Tila hindi mahinuha kung paano babasahin ang kahig-manok na sulat. “Ano ba ito?” dumura siya ng pagkayamot sa aming lahat. “Sino ito?” tanong niya.
Hunyo.
“Reynaldo po ang pangalan” madalian kong sagot. “Sino naman itong Reynaldo na ito?” paniniguro ng kagawad. “Tatay ko po.” Lumingon ako sa likod ko at naroroon pa rin ang tatay ko sa sala. Itinaas niya ang putol niyang binti. Ipinatong sa upuan. Iniumang. Ipinangpain. Ipinanlimos. Panahon ito na ang lahat ay uhaw na sa grasya. Kahit kaunting tilamsik lang ng pera ay agaran naming ngangangahan. Kailangan namin ng tulong, marahil pati ng awa. Marahang iginalaw ng tatay ko ang binti niya. Nakita kong gumilid ang mata ng tagapaglista. Saka niya ikinumpas ang bitbit na panulat sa hugis ng aming apelyido. Nadama ko ang tagumpay. “Nariyan din ba ang lolo mo?” tanong niya.
Mayo.
“Wala na si lolo” sambit ng pinsan ko sa telepono. Nakita ko ang pangungulila sa mata ng tatay ko ngayong siya na lamang ang natitira sa kanyang pamilya. Alam ko namang bibigay na, subalit hindi ko inakalang ganoon kadali. Gabi-gabi namin siya kung isugod sa ospital dahil sa samu’t saring dahilan. Nasanay na akong may kumakatok ng madaling-araw para utusang magbuhat ng matanda. Ngunit sa isang natatanging gabing iyon, hindi ako sumunod. Kinailangan nila ng aakay subalit pinili kong humimbing. Maluwag ang aking loob sa kabila ng pagsuway dahil alam kong mayroon namang kapitbahay. Natulog ako. Nang payapa. Subalit hindi na umuwi si lolo kinabukasan. Matapos ang palitan ng pagkabigo sa telepono ay halatang ikinukubli ng tatay ko ang pagkabalisa. Hindi niya kailanman ginusto ang dalawin ng lumbay. At mukhang magtatagal pa iyon upang makipagkaibigan. Mabigat ang kanyang buntong-hininga. Kumakawala nang walang pagbabadya. Nagtama ang aming mga mata at agaran niyang napansin ang pagbasa ko sa kanyang nararamdaman. “May sasabihin ka ba?” tanong niya.
Marso.
“Wala na,” sagot ko sa salamin. “Aalis na siguro ako,” bulong ko. Mukhang ito na ang pamamaalam ko sa kolehiyo. Sabi nila, upang magtagal ka sa pag-aaral ng batas, magkaroon ka ng isang malalim na dahilan na maaari mong balikan kapag paubos ka na. Nagtabi ako ng lima. Subalit sa tagal ng pag-iisa, ng pangungulila, ng pag-iisip, ng pagkawala, ni-isang rason ay walang natira. Ayaw ko na. Sabi ko ay aalis na siguro ako. Subalit sa salitang “siguro” ko natagpuan ang kaunting dingas ng pagpapatuloy. Hindi ako sigurado sa hakbang ngunit pinili ko pa ring sumugal. Siguro “siguro” na muna ang aking dahilan. “Siguro” na muna ang babalik-balikan. Sa pagbabalasa ng mga alaalang ito ako nakatagpo ng hinahon— at ng kapanatagan sa walang kasiguraduhan.