by Jan Fredrick Pangilinan Cruz
Tikom ang mga pinto ng aklatan
ngayong pandemya.
Walang yabag ng mga paa.
Walang maya’t mayang bungisngis ng silya.
Naalala kong ganito tayo nagsimula.
Sa katahimikan. Tanging mga mata
ang nag-uusap sa pagitan ng mesa
palitan ng ngiti’t sulyap sa bawat umaga.
Ang tinginan ay naging patagong asaran
tungkol sa paulit-ulit na puyatan
mga pagsusulit na magdadaan
dusa’t komedya ng silid-aralan.
Sa aklatan nabuo mga simpleng ligaya:
kunwariang pagbabasa
sa hindi umuusad na pahina
nauuwi sa mga pabulong na tawa.
Sayang, pinid ang aklatan sa Malcolm ngayon.
Sa pagdidistansiya umiikot ang taon:
kisame’t dingding ng bahay ang araw-araw kaharap
almusal hanggang hapunan, laptop ang kausap.
‘Di bale, huwag nang mag-alala.
Matutuldukan din ang kuwarentena.
Muli tayong magbabalik sa eskuwela
upang aralin ang presensiya ng isa’t isa.
Babalikan natin ang simula
ng mga lihim na saya.