by Jan Fredrick Pangilinan Cruz
Ang Oktubre ay buwan ng luha’t buntong-hininga.
Naisip ko ito habang minamasdan ang nakagapos
na mga kamay ni Reina Mae sa telebisyon.
Ang Oktubre ay buwan ng pagkawala
ng kamusmusan. Naisip ko ito nang inalis ang tanikala.
Itinaas ng dalagang ina ang kamao
nakaturo sa humihikbing langit.
Ang Oktubre ay buwan ng pangungulila
sa sanggol na hinehele ng lupa
kasiping ang mga hindi na gigising.